My Tagaytay – What's Up in Tagaytay?

Sentinels of Filipino Free Press

pag retire

Paano Maghanda sa Pag Retiro na may Aasahang Regular na Income

Paano Maghanda sa Pag Retiro na may Aasahang Regular na Income | ni Homerun Nievera | Kumusta mga ka-negosyo? Sana naman nasa maayos kayong kalagayan. Kakaiba naman ang naisip kong isulat dito sa pitak natin sa Lunes na ito. Naisip ko kasi na marami din ang mga nasa edad 40 pataas na malamang nag-iisip nang maghanda sa kanilang pag-reretiro.

Saan ba ako nanggagaling? Ang kuwento ng tatay ko na nag-retiro sa San Miguel noong siya ay 55 na taong gulang. Sa totoo lang, mahigit 35 na taon siya doon at ayaw na niyang abutin pa ang 60, dahil malaki naman ang matatanggap niya noon dahil Vice President siya nang mag-retiro. Gusto niya kasing ma-enjoy ang pera niya habang malakas pa siya. Ginawa nga naman niya iyong dahil kung saan-saan siya nangingisda bilang isang Sport Fisherman. Ang sitwasyon noon ay taong 1995, kung di ako nagkakamali nang siya ay mag-retiro. Kaya naman sa taon ngayong 2022, 27 na taon na noong nag-retiro siya.

Ang panahon noon at ngayon ay lubhang malayo ang pagkakaiba. Dahil noong 1995, 18% ang interes ng pera kung i-invest mo Treasury Bills, kung di ako nagkakamali. Kahit na 6.85% ang inflation rate, panalo ka pa rin sa kita mo. Pero kung sa ngayong panahon na 7.7% ang inflation at kahit saan mo ilagay ng financial instrument, malaki na ang 6% (net) na interes o kita mo. 

Ganito na nga ang nangyari sa milyun-milyong retirement ng tatay ko. Una, binayaran niya ang lahat ng utang niya sa bahay namin, at kung anu-ano pang utang. Tapos, inilagay niya sa bangko ag tira at hinati sa savings at time deposit na may 8.39% noon na interes. Panalo naman, di ba? 

Kaya lang, pagdating ng 2003 ay bumaba na ito sa 5.22% at bumaba pa nga nang husto.Ngayon nga, halos 1.2% na lang ang interes sa Time Deposit. Dumaan din ang 2008-2009 Asian Financial Crisis, ang pandemya at ang global recession ngayong 2022 dahil sa giyera sa Ukraine. At dahil di akalin ng tatay ko na siya ay mabubuhay pa hanggang ngayon na 86 taong gulang na siya, nalusaw ang lahat ng nakuha niya sa pagreretiro noong 55 siya.

At dahil sa pinansiyal na sitwasyon ng tatay ko, naisip ko na maraming mga tao ngayon ang mas mapapaisip kung kakayanin ba ng kanilang pension at makukuhang pera sa pagreretiro ang mabuhay nang maayos sa pagtanda nila? 

O siya, tara na at subukan nating mailahad ang mga tips kung paano mo maihahanda ang pinansyal na katayuan mo sa pag-retiro mo o sa pagtanda mo, nang hindi aasa sa mga anak, o ibang tao. Game!

#1 Ang mga katotohanan

Teka nga pala, dapat alam mo ang katotohanang 71 taon ang tinatawag na average life expectancy ng mga Pilipino ngayon. So kailangang may minimum kang ipon na tutustos sa iyo nang 11 na taon (kung 60 ka magreretiro), o pang-anim na taon, kung 65 ka mag-reretiro. Kayang-kaya ba? Sana all!

Pero tandaan mo na ang mga krisis at dagok gaya ng mga nangyayari ngayon ay lubos na nagpapahirap sa maraming tao ngayon, lalu na sa mga seniors na di nakapaghanda talaga nang mabuti. Sa larangan na lang ng kalusugan na kung saan marami akong kilala na sa isang malalang sakit, naubos ang lahat ng pera nila. Isang aspeto pa lang yan ha? 

#2 Insurance

Ang pagkakaroon ng iba’t-ibang insurance ay tiyak na makakatulong sa yo sa pagreretiro. Maraming klase ang insurance. Ang mga sikat na klase ng insurance ngayon ay yung mga magagamit mo habang buhay ka pa. Yun ang mga dapat mong pagtuunan nang pansin. Maraming mga tawag dun (gaya ng VUL) kung saan ini-invest ng kumpanyang pang-seguro ang iyong pera mula sa mutual funds, bonds at iba pa. Ang mahalaga, kausapin mo ang insurance agent mo kung ano ang nais mong maging kita sa pagtanda mo, at bibigyan ka ng angkop na rekomendasyon.

Ang sa aming mag-asawa, iba-ibang klase ng insurance ang kinuha namin. Ang madalas, self-paying ito kapag naabot na nito ang kita, na ang ibig sabihin, wala ka ng babayaran, pero insured ka pa rin.

Kaya ang susi dito ay ang pagkausap sa isang magaling na financial advisor, ok?

#3 Real estate

Karamihan ng mga kakilala ko ay sa real estate o lupain unang naglagak ng pera. Tama naman ito dahil tiyak ang pagtaas ng halaga ng lupain habang tumatagal ang panahon. 

Ang pinaka magandang pamamaraan ng pag-invest sa real estate ay ang tinatawag na rental income. Ito ang pagkakaroon ng mga paupahan. Siyempre, itong mga paupahan na ito ang magbibigay sa yo ng buwanang kita. Tumataas pa ang renta kaya makakahabol ka sa inflation rate.

Ang isang klase pa ng investment sa lupain ay ang mga sakahan (farm) kung saan kumikita ka dahil sa inaani mo. Kung di naman sakahan, meron kang lupain na ginagamit sa pag-aalaga ng mga hayop na binebenta mo din. Ang maganda sa ganitong investment ay ang pagkakaroon ng kita sa pinagbebentahan mo, may pagkain ka pa!

Siyempre, nariyan din ang tinatawag na buy and sell ng real estate kung saan bibili ka upang ibenta sa mataas na halaga sa darating na panahon. Meron ding build and sell at pag-flip ng nabiling property. 

Kaya naman sa dami ng maaari mong gawin sa investment na real estate, mainam ito. Pero siyempre, tandaan mo na kailangan mo din ng malaking halaga upang makabili. Oo, meron mga bangko na tutulong sa yo sa pagpapautang. Pero kumausap ka muna ng mga taong nasa ganitong negosyo para di ka magkaproblema, ok?

#4 Consultancy

Ang pagiging isang consultant ang una kong pinasok noong ako’y nag-isip na mag-retiro nang mas maaga bago ako mag 50 na taon. Bakit? Kasi para sa akin, bukod sa mga naipon ko, naisip ko na baka kulangin nga iyon base sa pinagdaanan ng tatay ko, at nagdu-duktor pa ang pnaganay ko nang mga panahong iyon. Alam kong kakailanganin ko pang mag-ipon pa.

Ang maganda sa pagiging consultant ay meron ka nang angking kaalaman at experiyensya na iyong mailalahad sa serbisyo. Ang mga kasanayan mo ay siyang makakatulong sa yo. May mga kilala akong accountant noong nagtatrabaho, at naging auditor naman sila sa kanilang pag-retiro. 

Ang susi sa pagiging consultant ay ang ibayong pag-aaral. Huwag kang titigil na matuto ng mga bagong kasanayan dahil mabilis ang teknolohiya at mabilis kang mapapalitan.

#5 Buy-and-Sell o pagtitinda

Ang buy-and-sell ay isang negosyo na nangangailangan ng iba’t-ibang kasanayan. Una, yung bagay na ibebenta mo ay dapat may kaalaman ka ukol dito. Ikalawa, dapat, may sapat kang pondo upang masimulan ito. Ikatlo, dapat meron kang kasanayan sa sales at pag-nenegosyo dahil baka naman malugi ka, di ba?

Ang katotohanan sa buy-and-sell na negosyo ay mas malaki ang pangangailangan ng kasanayan sa sales. Ito pa naman ang iniiwasan ng marami, di ba? Pero wala kang choice kundi gawin ito. Masasanay ka rin naman eh.

Kaya abang maaga, pag-aralan mo ang maari mog maging produkto. Merong mga pumasok din sa importasyon ng mga bagay-bagay na ok din naman. Mas marami nga lang konsiderasyon pero sa dulo, buy-and-sell pa din.

Ang simpleng tip ko dito ay ang paghahanap ng produkto na mabilis mong madidipatsya. Basta mabilis bumalik ang kita, kahit maliit, mas sigurado ang kita mo.

#6 Franchising

Ang franchising ng negosyo ay isang paraan ng paghahanda sa pagreretiro mo. Kasi nga naman, ang negosyong subok na at iaangkop na lang sa lugar mo ay mas simple kesa magsimula ka sa zero.

Tandaan lang na maraming klase ng franchising. Dapat lang na busisiin ang lahat ng aspeto dito gaya ng royalty fees, supply, training, at hidden fees o charges. Minsan kasi, inaakala mong simple lang ay di naman pala. Lalu na kung walang operations manual ng kumpanya, lagot na.

Laging mag saliksik at magtanong sa mga nauna ng nag-franchise, para mas maintindhihan ang papasukin mo.

#7 Multiple streams of income

Ang pagkakaroon ng iba’t-ibang pinagkukunan ng pera ay siyang lagi kong itinuturo sa mga bagong magnenegosyo man o magreretiro. Huwag mong iiwanang iisa lang ang ideya mo pinagkukunan mo. Bilang isang negosyante, dapat, dumadami din ang panggagalingan mo ng pera. Mag-reinvest ka sa ibang negosyo, o sa parehong negosyo pero mag-diversify ka lang.

Sa simpleng pananaw, para kang nagbubukas ng maraming gripo, na siyang magpupuno sa isang balde o drum ng tubig. Gets mo?

Konklusyon

Kung malapit ka ng mag-retiro o kahit pa retirado ka na. Tandaan na walang pinagkakaiba ang edad dito. Ang mahalaga, malusog ka at laging may ginagawa. 

Magsaliksik ka at magtanong-tanong din sa mga eksperto. At sa bawat desisyon, tapatan ng pagdarasal, sipag at tiyaga, ok?

Si Homer ay makokontak sa email na chief@negosentro.com